Patuloy na isinusulong ng Land Transportation Office (LTO) Region 1 ang libreng Theoretical Driving Course (TDC) bilang bahagi ng kampanya ng pamahalaan para sa kaligtasan sa kalsada at responsableng pagmamaneho. Alinsunod ito sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na gawing mas accessible ang edukasyon sa pagmamaneho, lalo na sa mga mamamayan sa mga malalayong lugar.
Noong Oktubre 10–11, 2025, isinagawa ang libreng TDC sa Manaoag Sports Complex sa Pangasinan, sa pangunguna ng LTO Binalonan District Office. Tinalakay sa kurso ang mga mahahalagang paksa gaya ng mga batas trapiko, kahulugan ng mga senyas sa kalsada, defensive driving techniques, at kahalagahan ng pagsunod sa mga alituntunin sa kaligtasan. Layunin nitong bigyan ng sapat na kaalaman ang mga nagnanais magmaneho bago kumuha ng lisensya.

Ang programa ay pinangungunahan nina DOTr Secretary Giovanni Z. Lopez, Acting LTO Chief Assistant Secretary Markus V. Lacanilao, Regional Director Glorioso Daniel Z. Martinez, at Assistant Regional Director Engr. Eric C. Suriben. Isa itong hakbang upang matiyak na kahit ang mga walang kakayahang magbayad para sa pormal na driving school ay mabibigyan pa rin ng dekalidad na edukasyon sa pagmamaneho.

Sa pamamagitan ng ganitong inisyatiba, inaasahang mababawasan ang mga insidente ng aksidente sa kalsada at maitataguyod ang kultura ng responsableng pagmamaneho. Patuloy ang LTO Region 1 sa pagdadala ng mga serbisyong makabuluhan para sa kaligtasan ng bawat Pilipino sa lansangan.
Source: LTO Region 1




