17.2 C
Baguio City
Wednesday, June 24, 2026
spot_img

Sangguniang Panlalawigan, inaprubahan ang pagkakaroon ng Local Youth Development Office at Officer sa mga Bayan

Isang malaking hakbang para sa kabataan ng Cagayan ang isinulong ng 12th Sangguniang Panlalawigan (SP) matapos aprubahan ang resolusyong nag-aatas sa lahat ng Local Chief Executives ng lalawigan na magtatag ng Local Youth Development Office (LYDO) at magtalaga ng Local Youth Development Officer (LYDOr). Layunin nitong palakasin ang partisipasyon ng kabataan sa mga programa ng pamahalaan at ihanda sila bilang mga lider ng kinabukasan.

Sa ginanap na ika-9 na regular session noong Setyembre 8, 2025 na pinangunahan ni Bise Gobernador Manuel Mamba, ipinaliwanag ni Ex-officio Board Member Rey Jirowell Alameda, pangunahing may-akda ng resolusyon, na ito ay nakabatay sa SK Reform Act of 2015. Aniya, sa pamamagitan ng LYDO at LYDOr ay masisiguro ang pagkakaroon ng direksyon, suporta, at oportunidad para sa lahat ng kabataang Cagayano.

Kasabay nito, inaprubahan din ng SP ang resolusyong humihiling sa Pamahalaang Panlalawigan na magtatag ng Cagayan Youth Center. Ang nasabing pasilidad ang inaasahang magiging pangunahing sentro ng mga aktibidad ng Sangguniang Kabataan (SK) at iba pang youth organizations sa lalawigan. Dito maisasagawa ang mga pagsasanay, seminar, at iba’t ibang proyektong magpapatibay sa kakayahan at ugnayan ng kabataan.

Bukod sa mga resolusyon, kinilala rin ng SP ang ilang Cagayanong nagbigay ng karangalan sa probinsya. Kabilang dito si Atasha Faye Taguinod Maggay, na tumanggap ng plaque of recognition para sa kanyang natatanging tagumpay sa HASSE Space School Program 2025 sa NASA Johnson Space Center. Pinarangalan din ang Shining Light Academy at ang mga student-journalist nito na nagwagi sa Asiarope International Journalism Conference sa Kuala Lumpur, Malaysia. Gayundin, kinilala si Atty. Giovanni “Banoy” Lopez ng Tuguegarao City bilang bagong Acting Secretary ng Department of Transportation (DOTr).

Dumalo sa nasabing sesyon ang siyam na miyembro ng SP kasama ang presiding officer na si Bise Gobernador Mamba. Ang mga inaprubahang resolusyon at pagkilala ay nagsisilbing patunay ng mas pinagtibay na malasakit ng pamahalaang panlalawigan hindi lamang sa pagbibigay-tinig at pagkakataon sa kabataan, kundi pati na rin sa pagkilala sa mga Cagayano na patuloy na nagbibigay inspirasyon at karangalan sa buong lalawigan.

Source: Cagayan PIO

Related Articles

Be updated in Social Media

1,700FansLike
21FollowersFollow
25,900FollowersFollow
612FollowersFollow
54SubscribersSubscribe
- Advertisement -spot_img

Latest Articles