Bilang bahagi ng pagdiriwang ng 125th Philippine Civil Service Anniversary, nagtipon ang mga lingkod bayan ng La Union sa isang makabuluhang aktibidad na pinangunahan ng Civil Service Commission (CSC) Regional Office I — ang bloodletting activity na may temang “Dugtong Buhay, Handog ng Lingkod Bayan” na ginanap noong Setyembre 9, 2025 sa Hall of Learning, 4th floor, CSC Regional Office 1, Sevilla, City of San Fernando, La Union.
Sa pakikipagtulungan ng Philippine Red Cross at iba’t ibang ahensya ng pamahalaan sa rehiyon, isinulong ng CSC RO I ang adhikain ng boluntaryong pag-aalay ng dugo bilang simbolo ng malasakit, pagkakaisa, at bayanihan. Layunin nitong ipakita ang tunay na diwa ng paglilingkod sa bayan — ang pag-abot ng tulong hindi lamang sa loob ng opisina kundi maging sa mga nangangailangan ng dugo.

Bukod sa pagkolekta ng dugo, naging daan din ang aktibidad upang palaganapin ang kaalaman tungkol sa patuloy na pangangailangan ng ligtas at sapat na suplay ng dugo sa bansa. Bawat bag ng dugong naipon ay nagsisilbing simbolo ng pag-asa para sa mga pasyenteng nangangailangan.
Sa pamamagitan ng inisyatibong ito, hindi lamang pinatatag ng CSC RO I ang suplay ng dugo sa rehiyon. Higit pa rito, pinatunayan ng mga lingkod bayan ang kanilang walang kapantay na dedikasyon, malasakit, at pagkakaisa para sa kapwa Pilipino.
Source: PIA Ilocos Region




