Sumailalim sa oryentasyon at pagsasanay hinggil sa tamang pangangalaga at pagpapalaki ng kalabaw ang apat na Former Rebels (FRs) bilang paghahanda sa kanilang napiling kabuhayan sa Halfway House, Bangag Sub-Capitol Office, bayan ng Lallo, Cagayan noong ika-9 ng Setyembre 2025.
Ang nasabing aktibidad ay pinangunahan ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO).
Layunin ng aktibidad na ihanda ang mga FRs sa kanilang iminungkahing proyektong pangkabuhayan.
Bahagi ito ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP) ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan, kung saan ang PSWDO ang katuwang sa pagpapatupad ng iba’t ibang programa para sa mga FRs. Nilalayon nitong matulungan silang tuluyang makabalik sa lipunan at mamuhay nang payapa at produktibo sa kanilang komunidad.

Ayon kay Elvira M. Layus, FR Program Coordinator ng PSWDO, isinagawa noong Hunyo 19, 2025 ang Profiling at Assessment Interview sa apat na FR mula sa bayan ng Rizal. Lumabas dito na interesado sila sa Carabao Raising bilang kanilang mapagkakakitaan, kaya’t agad itong itinugon ng PSWDO sa pamamagitan ng pagsasanay.
Nagsilbing tagapagsalita si Charlie Rubio, Agricultural Technologist, na nagbahagi ng mga kaalaman tungkol sa wastong pagpapakain, pangangalaga sa kalusugan, at pamamahala ng kalabaw upang matiyak ang matagumpay na pagsasagawa ng naturang kabuhayan.
Dagdag pa ni Layus, ang livelihood assistance ay isa lamang sa maraming programang inihahandog ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan para sa mga FRs upang masiguro na sila ay magkakaroon ng mapagkukunan ng kabuhayan at tuluyang maging kapaki-pakinabang na mamamayan.
Source: Cagayan Provincial Information Office




