Matagumpay na nagsagawa ang Tuguegarao City information Office ng payout o cash gift distribution para sa Octogenarian at Nonagenarian Program ng National Commission of Senior Citizens (NCSC) para sa mga residente ng Tuguegarao City at ng bayan ng Enrile sa Robinsons Place Tuguegarao City, kahapon ika-14 ng Hulyo 2025.
Namahagi ang lokal na pamahalaan sa ilalim ng administrasyon ni Hon. Maila Rosario S. Ting-Que, City Mayor, ng Cash Incentives para sa Birthday Grant Program alinsunod sa City Ordinance No. 71-09-2022. Katuwang ng NCSC sa implementasyon ng nasabing programa ang OSCA, DSWD at ang City Social Welfare and Development Office ng Pamahalaang Panlungsod ng Tuguegarao.


Ayon kay Office of the Senior Citizens Association (OSCA) OIC Nenita Paddayuman, nasa 231 na mga senior citizens mula sa iba’t ibang barangay sa lungsod ang tumanggap ng Php10,000 bilang bahagi ng pagpapatupad ng Republic Act No. 11982 o Expanded Centenarians Act, na layong kilalanin at bigyan ng insentibo ang mga senior citizens na umabot sa edad na 80, 85, 90, at 95 mula Enero hanggang Hunyo 2025.
Ang pamamahagi ng libreng cash gift sa iba’t ibang milestone ages ng mga senior citizens ay isang patunay nang matibay na pagpapahalaga ng pamahalaan sa mga nakatatanda, kung saan kinikilala ng inisyatibong ito ang kanilang mahalagang kontribusyon sa ating komunidad.
Source: Tuguegarao City Information Office




