Isinagawa ang isang pagsasanay sa mga Barangay Information Officers (BIO) mula sa iba’t ibang barangay ng lungsod ng Alaminos sa pamamagitan ng Alaminos Channel Capacity Building noong Hulyo 14, 2025 sa Barangay Telbang, Alaminos City, Pangasinan.
Layunin ng aktibidad na palakasin ang kakayahan ng BIO sa larangan ng media production upang mas epektibong maiparating ang mga kwento, impormasyon, at programang ipinapatupad ng pamahalaang lungsod sa kanilang mga nasasakupan.
Pinangunahan ng mga Alaminos Barangay Correspondents mula sa City Information Office ang nasabing pagsasanay, kung saan kanilang ibinahagi ang mahahalagang kaalaman sa paggawa ng script, video editing, at photography.
Sa pamamagitan ng ganitong mga pagsasanay, inaasahang mas magiging handa at mahusay ang mga Barangay Information Officers sa paghahatid ng napapanahon at mahalagang impormasyon sa kani-kanilang mga barangay. Isa rin itong hakbang tungo sa mas pinaigting na komunikasyon sa pagitan ng pamahalaang lungsod at ng mamamayan.
Ang aktibidad na ito ay patunay ng pagsusumikap ng lokal na pamahalaan na mapalawak ang kakayahan ng mga lingkod-bayan sa larangan ng impormasyon at komunikasyon, tungo sa isang mas maalam at mas maunlad na Alaminos City.




