Isinagawa ng COMELEC Mangaldan, kasama ang Municipal Treasury Office at PPCRV, ang pagbubukas ng mga ballot boxes na ginamit noong 2023 Barangay at SK Elections (BSKE) sa Municipal Hall Parking Grounds nito lamang ika-27 ng Hunyo taong kasalukuyan, kung saan isinilid sa tig-iisang sako bawat barangay ang mga balota, tally sheets, at iba pang gamit sa eleksyon.

Pinangunahan ito ni Election Officer IV Gloria S. Cadiente, kasama ang mga kinatawan mula sa LGU, PPCRV, at volunteers mula sa Angalacan River Task Force. Ayon kay Cadiente, bahagi ito ng paghahanda sakaling matuloy ang BSKE sa Disyembre 1, 2025, kung hindi pipirmahan ng pangulo ang panukalang batas na nagpapaliban sa eleksyon.
Bagama’t naantala ang voters’ registration (Hulyo 1–11), tuloy ang iba pang paghahanda gaya ng procurement at inventory ng yellow ballot boxes.
Samantala, hinihintay na lamang ang pirma ni Pangulong Marcos Jr. sa panukalang batas na ililipat ang BSKE sa unang Lunes ng Nobyembre 2026. Sa kabila nito, nagpapatuloy ang COMELEC sa paghahanda upang hindi mabigla kung matutuloy ang halalan ngayong Disyembre.

Patuloy rin ang suporta ng lokal na pamahalaan sa pamumuno ni Mayor Bona Fe de Vera-Parayno sa mga inisyatibo ng COMELEC.




