Isang malaking tipak ng bato ang gumulong mula sa bundok at bumagsak sa gilid ng kalsada sa Camp 7, Kennon Road, Baguio City nito lamang Hulyo 19, 2025 bandang 1:15 ng hapon dahil sa pabugso-bugsong pag-ulan dulot ng Severe Tropical Storm “Crising.”
Ayon kay City Disaster Risk Reduction and Management Officer Charles Bryan Carame, walang nasaktan sa insidente dahil walang tao sa loob ng bahay at sasakyan nang mangyari ito.
Ipinahayag ni Carame, na lumikas na ang pamilya na nakatira sa nasabing bahay bago pa man ang insidente bilang pag-iingat sa banta ng bagyo.
Ang sasakyan naman ay iniwang nakaparada malapit sa lugar.
Sa kabila nito, iniulat ng barangay Camp 7 na isang alagang aso, isang exotic bully, ang nasawi matapos madaganan ng gumulong na bato.
Bukod sa CDRRMO at mga opisyal ng barangay, agad ring rumesponde ang Baguio City District Engineering Office sa insidente.
Ang kaso ay agad na inirefer sa City Social Welfare and Development Office upang makapagbigay ng tulong sa mga naapektuhang may-ari ng ari-arian.
Samantala, nananatiling sarado ang Kennon Road hanggang 4:00 ng hapon dahil sa tuloy-tuloy na pagguho ng mga bato sa bungad ng rockshed, ayon sa Department of Public Works and Highways – Cordillera.






