23.4 C
Baguio City
Thursday, June 25, 2026
spot_img

Makulay na pagdiriwang ng 2025 Pavvurulun Afi Festival, idinaos ng Tuguegarao City

Pormal nang binuksan ang Pavvurulun Afi Festival sa pamamagitan ng grand opening sa People’s Gymnasium, Tuguegarao City. Pinangunahan ni Tuguegarao City Mayor Maila Rosario Ting-Que kasama ang panauhing pandangal na si PNP Chief, Police General Nicolas D. Torre III noong ika-9 ng Agosto 2025. Ang pagdiriwang ay bahagi ng ika-421 Anibersaryo ng pagkakatatag ng Tuguegarao at ika-301 Patronal Fiesta ng lungsod na may temang “Pappabalo Ta Dios Nga Mammaguray, Dasal Tu I Totolay ay Mattaradday.”

Sa mensahe ni Mayor Ting-Que, ang festival ay sumisimbolo sa katatagan at pag-unlad ng mga Tuguegaraoeño sa kabila ng mga hamon, kabilang na ang mahabang panahon ng pananahimik ng selebrasyon dahil sa pandemya. Aniya, simula nang maupo siya bilang alkalde noong 2022, sinikap niyang ibalik ang sigla at kulay ng pagdiriwang sa pamamagitan ng mga programang bukas para sa lahat ng sektor.

Ipinagmalaki rin ng alkalde na ang Pavvurulun Afi Festival ay nominado sa Ameresia International Awards, isang prestihiyosong parangal mula Amerika na kumikilala sa mga natatanging kontribusyon sa pagpapayabong ng kultura at pamana. “Ang Pavvurulun Afi Festival ay hindi lamang isang makulay na pagdiriwang. Naging daan ang ating festival upang ipakilala sa buong mundo ang husay at talento ng mga Tuguegaraoeño,” pahayag niya.

Bilang panauhing pandangal binigyang-diin ng Hepe ng Pambansang Pulisya ang kahalagahan ng 911 emergency hotline bilang pangunahing mekanismo upang mabilis na matugunan ang pangangailangan ng publiko. Ito ay kanyang ibinida sa talumpati sa nasabing selebrasyon, kung saan kanyang hinimok ang publiko na gamitin ang nasabing hotline para sa agarang tulong mula sa kapulisan.

Ibinida rin ni PGen Torre ang 5-minute response policy ng PNP, na nagsisiguro ng mabilis na tugon kahit saan mang panig ng bansa. Bilang patunay, sinubukan pa niyang i-dial ang 911 sa harap ng publiko upang ipakita ang pagiging epektibo ng serbisyo. Dagdag pa niya, hindi na kinakailangang personal na pumunta sa presinto sapagkat sapat na ang isang tawag sa 911 upang makakuha ng agarang tulong.

Samantala, nagpasalamat si Mayor Ting-Que sa mga opisyal, panauhin, at mga dumayo mula sa iba’t ibang lugar upang makiisa sa selebrasyon. Kaugnay dito, nagpaabot din ng pagbati si Cagayan Governor Edgar “Manong Egay” Aglipay sa pamamagitan ng video message kung saan ipinahayag niya ang buong suporta sa pagdiriwang at sa patuloy na pagsulong at pag-unlad ng Lungsod ng Tuguegarao.

Source: Cagayan Provincial Information Office

Related Articles

Be updated in Social Media

1,700FansLike
21FollowersFollow
25,900FollowersFollow
612FollowersFollow
54SubscribersSubscribe
- Advertisement -spot_img

Latest Articles