Noong Agosto 8, 2025, limang farmers’ associations mula Mangaldan, Pangasinan ang tumanggap ng higit Php4.6 milyon halaga ng makinarya at kagamitang pansaka mula sa Department of Agriculture (DA) – Regional Field Office 1. Ang turnover ay isinagawa sa DA–Pangasinan Research and Experiment Center sa Sta. Barbara, Pangasinan, na pinangunahan nina Dr. Marvin Quilates, Atty. Gerald Tabadero, at Engr. Mario Mendeguarin, kasama ang mga kinatawan mula sa lokal na pamahalaan ng Mangaldan.
Pinakamalaki sa mga ipinaabot ay isang four-wheel drive tractor na nagkakahalaga ng Php3.48 milyon para sa Cluster-C Corn Growers ng Mangaldan, saklaw ang pitong barangay. Tumanggap naman ang Asosasyon na Masanting ya Dumaralos na Macayug Inc. ng apat na pump at engine set (Php 399,600), at ang Mangaldan Green Yard Farmers’ Association, Inc. ng dalawang pump at engine set (Php199,800).
Nakakuha ang Guesang Farmers Association Inc. ng multi-purpose cultivator (Php 299,990.50), knapsack sprayers, fertilizers, tools, plastic mulch, crates, drums, pallets, seedling trays, sprinklers, at vegetable seeds na may kabuuang halagang lampas Php237,000. Ang Osiem Farmers Association ay tumanggap din ng kagamitang panggulayan (Php69,574) kabilang ang sprayers, fertilizers, tools, net mesh, seedling trays, at vegetable seeds.
Lubos ang pasasalamat ng mga magsasaka sa malaking tulong na magpapagaan ng kanilang trabaho at magbabawas sa gastusin. Ang patuloy na koordinasyon nina Mayor Bona Fe De Vera Parayno at ng Municipal Agriculture Office sa DA ang nagtitiyak ng tuluy-tuloy na suporta upang mapaunlad ang agrikultura at kabuhayan ng mga pamilyang magsasaka sa Mangaldan.




