Habang patuloy na nananalasa ang bagyong #CrisingPH, mahigit 500 pamilyang Aringayaños ang agad na nabigyan ng Family Food Packs (FFPs) mula sa Department of Social Welfare and Development Field Office 1 (DSWD FO 1), Ilocos Region noong araw ng linggo, Hulyo 20, 2025.

Pinakamaramin sa naapektuhan ay mula sa Barangay Sta. Lucia na umabot sa 365 pamilya, habang 152 pamilya naman ang mula sa pito pang mga barangay ng Aringay.

Isinagawa ang pamamahagi ng tulong sa gitna ng sama ng panahon, sa pakikipagtulungan ng mga opisyal mula sa Provincial Government of La Union at ng Local Government Unit (LGU) ng Aringay. Personal na dumalo ang ilang opisyal upang tiyakin ang maayos at mabilis na distribusyon ng ayuda sa mga apektadong residente.
Patuloy ang koordinasyon ng DSWD FO 1 sa mga lokal na pamahalaan upang matiyak na walang pamilyang mapag-iiwanan sa gitna ng hagupit ng bagyo. Ang pagbibigay ng tulong ay bahagi ng kanilang Disaster Response Operations na aktibong isinasagawa sa buong rehiyon.
Ang ganitong uri ng agarang tugon ay nagpapakita ng tunay na diwa ng Bagong Pilipinas. Isang pamahalaang mabilis kumilos, may malasakit sa mamamayan, at handang tumugon sa gitna ng anumang sakuna. Sa panahon ng krisis, mas pinatitibay nito ang ugnayan ng pamahalaan at taumbayan tungo sa isang mas ligtas, matatag, at maunlad na bansa.
Source: DSWD Field Office 1
Panulat ni Tito Jhae-are




