Ang lokal na pamahalaan ng Narvacan, Ilocos Sur, sa pangunguna ni Mayor Edna Cabalo-Sanidad, DMD, ay buong pusong sumusuporta sa pinalalawak na produksyon ng vermicast organic fertilizer sa bayan. Isinagawa ang opisyal na pagbisita sa pasilidad noong Hulyo 19, 2025 ng mga kinatawan mula sa Itag-ayka Quinarayan Multi-Purpose Cooperative (IQMPC), na pinamumunuan ni Engr. Reynaldo Canto, kasama sina Department of Agrarian Reform Assistant Regional Director Engr. Vic M. Ines at si Mayor Cabalo-Sanidad.
Isa sa mga pangunahing layunin ng naturang pagbisita ay ang paglatag ng plano upang palawakin ang produksyon ng Vermicast, isang uri ng Organic Fertilizer na mula sa dumi ng bulate. Hiniling nina Engr. Canto at Engr. Ines ang suporta ng pamahalaang lokal para sa pagtatayo ng bagong Vermicasting Facility na nagkakahalaga ng Php500,000 sa Barangay Quinarayan.

Ayon kay Engr. Canto, kinakailangang maayos ang kapaligiran at pasilidad ng Vermicasting upang epektibong maparami ang produksyon. Inilahad rin niya na ilang taon na ring gumagawa ang kanilang kooperatiba ng Vermicast Fertilizer gamit ang dumi ng bulate (alinta). Sa kasalukuyan, umaabot sa 400 hanggang 500 kilo kada buwan ang kanilang napo-prodyus. Karaniwan itong binibili ng mga lokal na magsasaka na nagtatanim ng gulay at pakwan, karamihan ay miyembro ng kooperatiba.
Ang proyektong ito ay ganap na sinusuportahan hindi lamang ni Mayor Sanidad kundi pati na rin ni Vice Mayor Margarito Tejada at ng buong Sangguniang Bayan ng Narvacan. Patunay ito ng kanilang malasakit sa agrikultura, kapaligiran, at pangkabuhayan ng kanilang mga kababayan.
Sa tulong ng mga ganitong inisyatibo, inaasahang mas magiging masagana ang pagsasaka sa Bayan ng Narvacan, Ilocos Sur gamit ang organikong paraan.
Source: Municipal Government of Narvacan, Ilocos Sur




