Hindi naging balakid ang lalim ng baha upang maramdaman ng mga mamamayan ng Barangay Tinajero, Bacolor, Pampanga ang malasakit at mabilis na aksyon mula sa pamahalaan, matapos ang halos leeg-taas na pagbaha nito lamang ika-23 ng Hulyo, 2025.
Personal na nagtungo si Pampanga Governor Lilia “Nanay” Pineda, sa evacuation center upang kumustahin at tulungan ang mga residenteng apektado ng kalamidad.
Sa kanyang pagbisita sa Bacolor Mini Convention Center, namahagi ng mahahalagang ayuda mula sa Kapitolyo kabilang ang mainit na pagkain, hygiene kits (shampoo, toothpaste, toothbrush, tsinelas, underwear), malinis na inuming tubig, at gatas para sa mga bata.
Kasama sa relief operation sina Board Member Fritzie David-Dizon, Board Member Kaye Naguit, Bacolor Mayor Diman Datu, Vice Mayor Ron Dungca, at Nanay Partylist Consultant Atty. Ananias Canlas Jr., na mas lalong nagpabilis at nagpaayos ng distribusyon ng tulong.
Ang pagkilos na ito ay bahagi ng tuluy-tuloy na pagtugon ng Pamahalaang Panlalawigan sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tiyaking walang maiiwang Pilipino sa panahon ng sakuna.
Sa gitna ng baha at unos, pinatunayan muli ni Governor Lilia Pineda na ang serbisyong may malasakit ang patuloy na nagbibigay pag-asa at lakas sa mga Kapampangan.






