Sa gitna ng patuloy na pag-ulan dulot ng pinalakas na habagat, low-pressure area, at epekto ng tropical cyclone, umarangkada ang Mobile Kitchen ng Department of Social Welfare and Development Field Office Cordillera Administrative Region (DSWD FO CAR) sa Upper Market Evacuation Center sa Lungsod ng Baguio nito lamang ika-22 Hulyo 2025.
Ang Mobile Kitchen ay idinisenyo upang agad makaresponde sa panahon ng mga sakuna at kalamidad na may layuning matiyak na ang mga apektadong indibidwal ay makatatanggap ng mainit, masustansya, at ligtas na pagkain lalo na para sa mga bata, matatanda, at iba pang kabilang sa mahihinang sektor ng lipunan.
Ayon sa ulat, may 10 pamilya na binubuo ng 37 katao ang pansamantalang nanunuluyan sa nasabing evacuation center na binigyan ng libreng pagkain sa pamamagitan ng programang inilunsad.
Ang mga pagkain ay inihahanda mismo sa evacuation center katuwang ang Barangay Local Government Unit at ang mga internally displaced Persons (IDPs).
Sa pamamagitan nito, mas napapalakas ang kakayahan ng DSWD na makapaghatid ng pagkain sa mga lugar na walang maayos na pasilidad sa pagluluto.
Ang paglulunsad ng Mobile Kitchen ay mahalagang hakbang sa pagtugon sa pangangailangang pangkalusugan at pang-nutrisyon ng mga evacuee sa panahon ng kalamidad.
Bukod sa pagbibigay ng pagkain, ito ay nagsisilbing simbolo ng malasakit ng pamahalaan sa mga mamamayang nangangailangan ng agarang suporta. Pinapakita rin nito ang kahandaan ng mga lokal at pambansang ahensya sa pagtutulungan para sa mas mabilis at epektibong disaster response.







