Naging makabuluhan ang paggunita ng ika-3 anibersaryo ng Former Rebel Farmers Agriculture Cooperative na ginanap sa Brgy. San Juan, City of Ilagan, Isabela nito lamang Hulyo 12, 2025.
Aabot sa 95 cooperative members ang samahan na binubuo ng Former Rebels (FRs) na piniling iwan ang armadong pakikibaka at muling yakapin ang payapang pamumuhay.
Inorganisa ng LGU Ilagan ang payak ngunit makabuluhang selebrasyon kung saan nagsilbing Guest Speaker si Vice Mayor Jayve Diaz na sumentro sa patuloy na pagpapanatili ng kapayapaan, pagkakaisa at pagmamahal sa lungsod ng Ilagan ang mensahe nito.
Naging posible ang nasabing aktibidad sa suporta ng mga konsehal; PMaj Junneil Perez, Deputy Chief of Police ng PNP Ilagan; at PCpl Chester Allan Pagatpatan ng 201st Maneuver Company, RMFB2 na naka-base sa Brgy. Sindun Bayabo, at sa inisyatiba ng Public Employment Service Office (PESO) Ilagan kung saan nabuo ang nasabing samahan.
Ang kooperatiba ay nagsisilbing plataporma para sa mga dating rebelde upang muling makiisa sa lipunan sa positibong paraan. Sa pamamagitan ng sama-samang pagkilos, sila ay nagkakaroon ng pagkakataong makapagtrabaho, makapagsimula ng kabuhayan, at makapag-ambag sa pag-unlad ng kanilang komunidad.
Ang Ilagan City ay kilala bilang isang mabilis na umuunlad na lungsod sa Cagayan Valley. Sa pamamagitan ng kooperatiba, ang mga dating rebelde ay nagiging aktibong kalahok sa lokal na ekonomiya, na tumutulong sa pag-unlad ng agrikultura, kalakalan, at iba pang sektor sa Rehiyon.
Source: 5th Infantry Star Division.




