Muling naisagawa ang programang Kadiwa ng Pangulo noong Setyembre 26, 2025 sa Bacnotan Farmers’ Park and Civic Center, bilang bahagi ng patuloy na kampanya ng pamahalaan na suportahan ang mga lokal na magsasaka at maliliit na negosyante sa pamamagitan ng direktang pagbebenta ng kanilang mga produkto sa mamimili.
Ang aktibidad ay dinaluhan ng mga magsasaka, kooperatiba, PWD entrepreneurs, at iba’t ibang lokal na negosyante na nag-alok ng sari-saring produkto gaya ng prutas, gulay, eco-friendly bags, at mga handicraft tulad ng crochet items.

Tampok din sa kaganapan ang mga produkto mula sa Meat Processing Livelihood Program gaya ng tocino, siomai, at longganisa — patunay ng lumalawak na partisipasyon ng mga residente sa naturang inisyatiba.
Ang Kadiwa ng Pangulo, na may kahulugang “Katuwang sa Diwa at Gawa para sa Masaganang Ani at Mataas na Kita”, ay isinasagawa tuwing ika-15 at ika-30 ng bawat buwan alinsunod sa direktiba ng Department of the Interior and Local Government (DILG).

Layunin nitong maikonekta ang mga lokal na producer sa mga mamimili, sa paraang makakabawas sa middlemen at makakadagdag kita sa mga kalahok.
Buong suporta ang ipinahayag ni Mayor Divine Fontanilla sa programa ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., at binigyang-diin ang layunin ng lokal na pamahalaan na higit pang mapalawak ang benepisyong hatid ng Kadiwa sa mga mamamayan ng Bacnotan.
Ang ganitong mga programa ay hindi lamang nagbibigay ng oportunidad sa ating mga lokal na negosyante at magsasaka, kundi isa rin itong hakbang upang maisulong ang sustainable livelihood sa ating bayan,” ani Mayor Fontanilla.
Inaanyayahan ang publiko na tangkilikin ang mga lokal na produkto at suportahan ang kabuhayan ng mga kapwa Bacnoteño. Para sa mga nagnanais lumahok sa mga susunod na aktibidad ng Kadiwa, maaaring makipag-ugnayan sa Municipal Agriculture Office.
Source: Bacnotan, La Union




