Muling nagpadala ang Department of Social Welfare and Development Field Office 1 (DSWD FO 1) noong Setyembre 25, 2025 ng 374 Family Food Packs (FFPs) para sa mga residente ng Calayan, Cagayan na naapektuhan ng pananalasa ng Bagyong Nando.
Ang naturang ayuda ay bahagi ng 800 FFPs na nakatakdang maipadala sa bayan bilang karagdagang tulong sa mga apektadong pamilya at indibidwal. Katuwang ang kapulisan at Philippine Marines sa pagbibitbit, at ng Philippine Air Force (PAF) para sa airlift operation upang mas mabilis na naihatid ang tulong sa mga komunidad na hirap marating dahil sa masamang panahon at kondisyon ng kalsada.

Nauna nang nakapaghatid kaninang umaga ng 330 FFPs, habang ang natitirang bilang ay nakatakdang maipadala ngayon, Setyembre 26, upang makumpleto ang target na 800.
Ipinahayag ng DSWD FO 1 na ang mabilis na koordinasyon at pagtutulungan ng mga ahensya ng gobyerno—mula kapulisan, PAF, hanggang mga tauhan ng ahensya—ay mahalagang susi sa agarang paghahatid ng serbisyong panlipunan sa mga nangangailangan.
Sa kabila ng pinsalang iniwan ng Bagyong Nando, patuloy ang pagtutulungan ng iba’t ibang sangay ng pamahalaan upang masiguro na walang pamilyang maiiwan sa pagtanggap ng pangunahing pangangailangan tulad ng pagkain at iba pang suporta.
Source: DSWD Field Office 1




