Nagsagawa ng blood typing at blood donation drive ang Ifugao State University- Lamut Campus katuwang ang Philippine Red Cross- Ifugao Chapter sa IFSU-Lamut Campus nito lamang ika-30 ng Hunyo 2025.
Layunin ng aktibidad na suportahan ang Republic Act No. 7719 o National Blood Services Act of 1994, na nagtataguyod ng boluntaryong pagbibigay ng dugo upang masigurado ang sapat at ligtas na suplay nito sa mga ospital at blood banks sa bansa.
Ang inisyatibong ito ay isinakatuparan ng Health Services Unit ng IFSU-Lamut Campus katuwang ang Philippine Red Cross–Ifugao Chapter bilang tugon sa pangangailangan para sa ligtas na suplay ng dugo sa mga institusyong medikal sa lalawigan at karatig-lugar.
Bilang bahagi ng adbokasiya ng pamantasan sa pagsusulong ng Sustainable Development Goal 3 (Good Health and Well-Being) at Suitanable Development Goal 17 (Partnership for the Goals), regular na isinasagawa ng IFSU ang mga ganitong gawain, karaniwang isang beses kada quarter, upang patuloy na makiisa sa mga programang pangkalusugan at pangkomunidad.
Lubos ang pasasalamat ng pamunuan ng unibersidad at Red Cross–Ifugao Chapter sa lahat ng estudyante, kawani, at mga boluntaryong nakiisa sa aktibidad na ito na hindi lamang nakatutulong sa mga nangangailangan ng dugo, kundi nagpapalakas din sa diwa ng malasakit at bayanihan.
Ang aktibidad ay hindi lamang natutugunan ng IFSU-Lamut Campus ang pangangailangang medikal ng komunidad, kundi naipapaabot din sa mga mag-aaral at kawani ang kahalagahan ng kaalaman ukol sa kanilang blood type at ang benepisyo ng regular na pagbibigay ng dugo—gaya ng mas malusog na dugo, mas aktibong sirkulasyon, at maagang pagtuklas sa mga posibleng kondisyon sa kalusugan.





