Matagumpay na isinagawa ang IDADAIT Color Run 2025 sa lungsod ng Tuguegarao noong ika-28 ng Hunyo 2025.
Ito ay bahagi ng paggunita sa International Day Against Drug Abuse and Illicit Trafficking (IDADAIT) na may temang, “The Evidence is Clear: Invest in Prevention, Break the Cycle.”
Ang aktibidad ay pinangunahan ng Department of Health – Drug Treatment and Rehabilitation Center Region II (DOH-DTRC R2), katuwang ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan at ang Lokal na Pamahalaan ng Tuguegarao City sa pamumuno ni Mayor Maila Rosario S. Ting-Que.
Sinimulan ang programa sa pamamagitan ng isang maikling seremonya na ginanap sa City Hall Grounds ng Tuguegarao City. Dinaluhan ito nina Dr. Charity Canapi, Chief of Hospital III ng DOH-Drug Abuse Treatment and Rehabilitation Center (DATRC) sa Ilagan City; Atty. Willem Breech Hui, Executive Assistant at kinatawan ni Mayor Ting-Que; at ang dating child actor na si Ginoong Jiro Manio, na nagsilbing panauhing pandangal.
Ang 3-kilometrong Color Run ay nilahukan ng tinatayang mahigit sa isang libong kalahok mula sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan, mga institusyong pang-edukasyon, at mga kinatawan mula sa pribadong sektor. Ang ruta ng aktibidad ay mula sa Tuguegarao City Hall patungong Cagayan State University – Carig Campus. Upang higit na mahikayat ang partisipasyon, inihandog ang mga cash prizes sa tatlong pinakamabilis na kalahok na nakatapos ng takbuhan.
Ang aktibidad ay bahagi ng patuloy na adbokasiya ng Pamahalaang Panlungsod ng Tuguegarao sa ilalim ng pamumuno ni Mayor Ting-Que na isulong ang mga programang nakatuon sa pagpigil sa paggamit ng ipinagbabawal na gamot, at sa paglikha ng isang mas ligtas, mas malusog, at makataong pamayanan.
Ang tagumpay ng IDADAIT Color Run 2025 ay patunay ng malawakang suporta ng pamahalaan at ng mamamayan sa kampanya kontra droga, at nagsisilbing paalala ng kahalagahan ng preventive measures sa paglaban sa suliraning ito ng lipunan.
Source: TPIO




