Patuloy na ipinaabot ng Department of Agriculture-Regional Field Office 1 (DA-RFO1) sa pamamagitan ng Field Operations Division (FOD) nito ang mga programang pang-agrikultura para sa mga magsasaka ng lalawigan ng La Union noong Agosto 28, 2025. Ginanap ang aktibidad sa DA-Ilocos Region Integrated Agricultural Research Center (ILIARC) sa Barangay Sapilang, Bacnotan, LaUnion.
Umabot sa Php48 Milyon ang naipamahaging tulong sa humigit-kumulang 18 Farmers’ Cooperatives and Associations (FCAs) at 20 Local Government Units (LGUs) mula sa dalawang distrito ng probinsya. Kabilang sa ipinagkaloob ang hybrid seeds, biofertilizers, rice combine harvester, four-wheel drive tractor, binhi ng pulang at dilaw na sibuyas, mga baka (heifers), at iba pang input na layong mapalakas ang produksyon at kabuhayan ng mga magsasaka.


Bahagi ng programa ang pagbibigay ng tulong sa ilalim ng Rice Program, kung saan naipamahagi ang mga binhi, biofertilizers at makinarya bilang paghahanda sa pagtatanim ng palay para sa darating na early dry season. Kasama rin dito ang mga interbensyon mula sa High Value Crops Development Program (HVCDP), Organic Agriculture Program (OAP), National Urban and Peri-Urban Agriculture Program (NUPAP), Special Area for Agricultural Development (SAAD), Kabuhayan at Kaunlaran ng Kababayang Katutubo (4K), at Adaptation and Mitigation Initiatives in Agriculture (AMIA).

Nagbigay din ng mensahe si Atty. Judylyn Garcia, miyembro ng Sangguniang Bayan ng Tubao at kinatawan ng Ikalawang Distrito, kung saan kanyang kinilala ang pagsusumikap ng mga magsasaka sa kabila ng mga hamong kinahaharap ng sektor ng agrikultura.
Sa kabuuan, layon ng aktibidad na maibsan ang pasanin ng mga magsasaka at makatulong sa kanilang pagbangon mula sa pinsalang dulot ng nagdaang bagyo sa lalawigan ng La Union.
Source: Field Operations Division – Ilocos Region




