Pormal nang binuksan para sa publiko ang bagong Animal Bite Treatment Center o ABTC sa Northern Cagayan District Hospital sa bayan ng Sanchez Mira, Cagayan, nito lamang ika-13 ng Hunyo taong kasalukuyan.

Pinangunahan ni Dr. Febe Villanueva, Chief of Hospital ng NCDH, ang opisyal na pagpapasinaya ng pasilidad, kasama si Alain Peter M. Tumangil, Nurse IV at Hospital Assistant DRRM-H Manager ng Provincial Health Office, at iba pang kawani ng ospital. Binasbasan naman ang gusali ni Father Pope Jaybee Garcia.
Layunin ng bagong bite center na mailapit ang mga serbisyong medikal para sa mga biktima ng kagat o kalmot ng hayop, partikular ng aso at pusa, na nangangailangan ng bakuna kontra-rabies.
Ayon sa datos ng ABTC ng Provincial Health Office, umaabot sa 250 hanggang 300 pasyente ang nagpapakonsulta at nagpapabakuna sa mga itinalagang araw ng bakunahan sa iba’t ibang bite centers sa lalawigan.
Isa itong hakbang ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan upang masugpo ang banta ng rabies sa probinsya at sa buong bansa.
Source: CPPO




