Namahagi ang Lokal na Pamahalaan ng Angeles City ng cash incentives para sa mga kabataang nag-uwi ng medalya sa larangan ng palakasan sa Angeles City Hall, Pampanga nito lamang ika-30 ng Enero 2024.
Ang naturang aktibidad ay pinangunahan ni Hon. Carmelo Lazatin Jr., Mayor ng naturang lugar.
Nakatanggap ang siyam na atleta ng sertipiko at cash incentives kasama na ang limang coaches.
Ang mga nakakuha ng gintong medalya ay nakatanggap ng Php15,000, Php10,000 sa mga nakakuha ng pilak na medalya at Php7,000 sa mga may tansong medalya.
Php5,000 naman sa mga coach ng mga batang atleta.
Sa kabuuan, nakakuha ang Angeles City ng apat na ginto, anim na pilak at pitong tansong medalya at umabot sa Php194,000 ang kabuuang naipamahagi.
Labis naman ang tuwa ng mga atleta at kanilang mga tagapagturo sa natanggap na parangal at premyo galing sa pamahalaan. Ayon sa mga ito, pag-iigihan pa nila ang pag-eensayo para mas marami pa silang mapanalunang laban.
Patuloy ang pamahalaan ng Angeles City sa pagbibigay suporta sa mga atleta at pagpapaunlad sa larangan ng sports o palakasan sa kanilang siyudad.