Walang pag-aalinlangang nagtulong-tulong ang mga residente ng Barangay Población sa Tanudan, Kalinga para makagawa ng pansamantalang tulay ngayong araw, Nobyembre 12, 2025. Ito ay matapos mapinsala ng Bagyong Uwan ang Pongod footbridge ilang nakaraang araw lang ang nakalilipas.
Sa pamamagitan ng ginawang tulay, pansamantalang may tawiran ang mga magsasaka papunta sa kanilang lupang sakahan. Gayundin sa mga residenteng patungo sa Tabuk City at Banagao.

Gawa man sa kawayan, malaking tulong na rin ito upang makatawid ang mga residente nang hindi kinakailangang lumusong sa rumaragasang ilog na maaari pang maging sanhi ng aksidente.
Ang ganitong pagtutulungan ay sumasalamin sa buhay na bayanihan sa lugar. Ito rin ay nagsisilbing inspirasyon sa mga sumusunod na henerasyon na sikaping maging mahabagin at makiisa sa paggawa ng mabuti para sa ikauunlad ng nayon.
Source: GURU Press Cordillera




