Bilang bahagi ng pagdiriwang ng Elderly Filipino Week, nagsagawa ang Department of Health – Ilocos Center for Health Development (DOH-CHD Ilocos) ng isang espesyal na Sight Saving Program sa Laoag City ngayong araw, Oktobre 20, 2025, na layuning mapangalagaan at mapanatili ang kalusugan ng ating mga nakatatanda.

Sa nasabing aktibidad, daan-daang senior citizens ang nakinabang sa libreng non-communicable disease (NCD) risk assessments, laboratory services tulad ng fasting blood sugar (FBS), cholesterol, at uric acid tests, pati na rin sa libreng pamimigay ng reading eyeglasses upang mapabuti ang kanilang paningin at kalidad ng pamumuhay.
Nag-abot din ang Provincial DOH Office (PDOHO) ng mga mahahalagang gamot para sa mga noncommunicable diseases tulad ng altapresyon, diabetes, at iba pang chronic illnesses, bilang tulong para sa tuloy-tuloy na gamutan ng ating mga nakatatanda.

Katuwang ang ilang partner agencies, isinagawa rin ang mga medical at ophthalmology consultations, flu at pneumonia vaccinations, at pamimigay ng mga bitamina at grocery boxes bilang simbolo ng pagkalinga at pagpapahalaga sa ating mga mahal na lolo at lola.
Sa pamamagitan ng programang ito, muling pinagtibay ng DOH Ilocos CHD ang kanilang dedikasyon sa healthy aging at accessible healthcare for all, upang makapamuhay nang may sigla, dangal, at pagmamahal ang bawat nakatatanda sa komunidad.
Source: DOH Ilocos Region




