Matagumpay na isinagawa ang libreng pagbabakuna kontra rabies at deworming para sa mga alagang aso at pusa sa Barangay Sto. Cristo, Concepcion, Tarlac nito lamang Lunes, ika-20 ng Oktubre 2025.
Pinangunahan ng Municipal Veterinary Office sa pamumuno ni Dr. Roland Arciga, ang naturang aktibidad, kung saan mahigit 62 alagang hayop ang nabigyan ng bakuna at deworming.
Bukod sa pagbabakuna, kabilang din sa programa ang pagpapalaganap ng kaalaman sa responsableng pag-aalaga ng hayop, gayundin ang pagpapahalaga sa regular na pagpapabakuna upang mapanatiling ligtas at malusog ang mga alaga.


Layunin ng nasabing programa na mapangalagaan ang kalusugan ng mga alagang hayop at maiwasan ang pagkalat ng mga sakit, partikular na ang rabies, na maaaring magdulot ng panganib sa tao at sa komunidad.
Patuloy namang hinihikayat ng Lokal na Pamahalaan ng Concepcion ang lahat ng pet owners na makiisa sa mga ganitong inisyatibo para sa kalusugan at kapakanan ng kanilang mga alaga, pati na rin ng buong sambayanan.




