Pinangunahan ng mga Advocacy Groups, katuwang ang Philippine National Police (PNP) at iba pang mga ahensya ng gobyerno, mga residente at mga Civilian Volunteers ang matagumpay na International Coastal Clean-Up na isinagawa sa Brgy. Alaska, Aringay, La Union noong Setyembre 20, 2025. Ang aktibidad ay bahagi ng kampanyang “Clean Seas Against the Climate Crisis, Tayo ang Solusyon,” na layong pagtibayin ang pangangalaga sa kalikasan sa gitna ng lumalalang krisis sa klima.
Ang inisyatibo ay pinangunahan ng Department of Environment and Natural Resources – Region 1 (DENR-1) katuwang ang mga lokal at mga pambansang grupo ng adbokasiya para sa kalikasan. Tampok dito ang masiglang pakikiisa ng Police Regional Office 1, sa pamumuno ni Police Brigadier General Dindo R. Reyes, Regional Director.

Sa pamamagitan ng matibay na Partnership ng PNP at mga Environmental Advocacy Groups, naipamalas ang tunay na diwa ng pagkakaisa para sa kalikasan. Isinabuhay din ng kapulisan ang kanilang pangunahing pagpapahalaga sa kalikasan sa ilalim ng prinsipyo ng PNP na “Makakalikasan.”
“Ang tagumpay ng gawaing ito ay patunay na kung magsasanib-puwersa ang kapulisan, mga advocacy groups, pamahalaang lokal, at mga mamamayan, tunay na may pag-asa pa tayong mapangalagaan ang ating mga likas na yaman,” ani PBGen Reyes sa isang panayam.
Kasama rin sa aktibidad ang masiglang suporta ng Municipal Mayor ng Aringay, Hon. Benjamin P. Sibuma, pati na rin ang Bureau of Fire Protection, Philippine Coast Guard, Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), mga guro, mag-aaral, at masisigasig na residente ng barangay.
Ang sama-samang paglilinis sa baybayin ay hindi lamang simpleng Community Activity, kundi isang konkretong hakbang patungo sa pagpapalaganap ng kaalaman, kamalayan, at pagkilos laban sa krisis sa klima.
Source: Municipal Government of Aringay, La Union




