Itinaas sa mahigit Php655,606,858.44 ang inisyal na halaga ng pinsalang iniwan ng Super Typhoon “Nando” sa buong probinsya ng Cagayan batay sa consolidated report na inilabas ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) nitong Setyembre 24, 2025.
Iprinisenta ni Acting PDRRM Officer Cesar Cuntapay ang naturang ulat sa isinagawang Zoom meeting na pinangunahan ni Provincial Administrator Atty. Maria Rosario Mamba-Villaflor, katuwang ang mga kinatawan mula sa iba’t ibang Local Government Units (LGUs).

Itinala sa sektor ng agrikultura ang pinakamalaking pinsala na umabot sa Php398,898,405.50, na sumasaklaw sa mahigit 37,576 ektarya ng taniman, habang nasa Php164,455,500 naman ang kabuuang halaga ng napinsalang imprastraktura kabilang ang mga kalsada, tulay, at iba pang istruktura.

Idinagdag ni Cuntapay na tinatayang nasa Php91,996,802.94 ang pinsala sa sektor ng pangingisda kung saan mahigit 2,867 mangingisda ang naapektuhan. Sa talaan din, mahigit 41,001 kabahayan ang napinsala—2,616 dito ang ganap na nawasak habang 38,385 naman ang bahagyang nasira.
Inirekomenda ng PDRRMC ang pagdedeklara ng State of Calamity sa buong lalawigan ng Cagayan upang mapabilis ang paghatid ng tulong, serbisyong panlipunan, at suporta mula sa pamahalaan. Isusumite ang rekomendasyon sa 12th Sangguniang Panlalawigan para sa pinal na pag-apruba.
Source: Cagayan PIO




