Pinagkalooban ng tulong pinansiyal ang mga kapamilya ng mga yumaong minero at rescuers na pumasok sa hinukay na butas sa Runruno, Quezon, Nueva Vizcaya nito lamang ika-3 ng Hulyo 2025.
Ayon kay John Babli-ing, Punong Barangay ng Brgy. Runruno, tig-tatlong libong piso ang ipinagkaloob sa 68 na minero na nagtulong-tulong upang mailabas ang limang minero na unang natrap sa butas.
Nagkaloob naman ang DSWD ng family food packs, samantalang burial assistance na 50,000 piso at cash assistance na 20,000 piso naman ang naibigay sa mga kapamilya ng mga namatayan.
Ang naospital na rescuer naman ay nakatanggap ng 15,000 piso. Kinilala rin ng LGU Quezon ang katapangan at kabayanihan ng mga small-scale miners na nagtaya ng kanilang buhay upang mailabas ang mga biktima na nahirapang huminga dahil sa kawalan ng hangin at toxic na gas.
Maliban sa mga local na minero, tumulong din ang mga minero mula sa FCF minerals, Oceana gold at Lepanto Mines hanggang sa mailabas ang lahat ng biktima noong June 26. Nakuha ang mga ito sa kalalim na 300-700 metro.
Sa kabuuan, nagpakita ng pagkakaisa at pakikiisa ang pamayanan ng Runruno, Quezon, Nueva Vizcaya sa harap ng trahedya sa minahan.
Source: DWRV




