Umabot sa kabuuang P900,000 halaga ng tulong pangkabuhayan ang ipinamahagi ng Department of Social Welfare and Development Field Office 02 (DSWD FO2) sa ilalim ng programang Payapa at Masaganang Pamayanan (PAMANA)–Peace and Development at Local Government Unit-Led Track sa dalawang Conflict Vulnerable Areas (CVA) sa Lasam, Cagayan at Jones, Isabela noong Hulyo 8–9, 2025.
Pinangunahan ni DSWD Undersecretary for Peace and Development Alan Tanjusay, kasama si Regional Director Lucia Suyu-Alan, ang seremonyal na paggawad ng seed capital fund at mga certificate of accreditation sa tatlong Sustainable Livelihood Program Associations (SLPA), kabilang ang Narang-ay nga Utan SLPA, Narimat nga Capanickian SLPA, at Kaagapay SLPA.

Ang tatlong SLPA na binubuo ng kabuuang 45 miyembro ay tumanggap ng maximum na P300,000 livelihood grant bawat isa para sa pagsisimula ng kanilang napiling mga proyektong pangkabuhayan, gaya ng Fish Farming at Retailing.
Dumalo rin sa aktibidad ang mga kinatawan mula sa mga lokal na pamahalaan ng Lasam at Jones, Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity (OPAPRU), at mga miyembro ng Philippine Army bilang suporta sa programang naglalayong palakasin ang kapayapaan at kaunlaran sa mga lugar na apektado ng hidwaan.
Source: DSWD




