Isang makulay at masayang selebrasyon ang naganap noong ika-1 ng Hulyo, 2025 sa Leonardo Mamba Gymnasium sa pamamagitan ng PGC Family Day, na nagsilbing pormal na pagtatapos sa pagdiriwang ng ika-442 Aggao nac Cagayan. Pinangunahan ito ni Gobernador Edgar “Manong Egay” Aglipay, kasama ang Unang Ginang ng Cagayan na si Marinette Yan-Aglipay, Bise Gobernador Manuel Mamba, at Atty. Mabel Villarica-Mamba, Chairperson ng Steering Committee ng naturang selebrasyon.
Sa temang “PGC Family Day: Pista sa Cagayan, Sama-samang Ligtas, Sama-samang Saya,” dinaluhan ito ng mga opisyal, department heads, consultants, at empleyado ng Provincial Government of Cagayan (PGC) kasama ang kanilang mga pamilya. Binigyang-diin ni Gob. Aglipay sa kanyang mensahe ang kanilang layuning makapagsilbi nang pantay-pantay at walang mapag-iiwanan, habang pinuri naman ng Unang Ginang ang husay at dedikasyon ng mga kawani ng PGC sa naging tagumpay ng selebrasyon.

Ipinahayag din ni Mrs. Aglipay ang patuloy na pagsuporta sa mga aktibidad na magpapalalim sa pagkakaisa ng pamilyang Cagayano, sa tulong ni Atty. Villarica-Mamba na mananatiling Chairperson ng PGC Events Committee. Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Bise Gobernador Mamba ang kahalagahan ng pagkakaisa sa PGC, kung saan aniya ay dapat nang burahin ang mga linyang naghahati-hati sa bawat isa tungo sa iisang layunin: ang One Cagayan.
Isa sa mga tampok sa aktibidad ay ang Mutya ng PGC 2025, kung saan itinanghal si Syryl Fae Gammag Subala mula sa Aparri Provincial Hospital na kinatawan ng White Team. Sa Street Dance Competition, nanguna ang Maroon Team (Vice Governor at SP Office) na tumanggap ng Plake ng Pagkilala at ₱25,000 cash prize. Nakuha naman ng White Team ang 1st runner-up (₱20,000), habang ang Orange Team ang 2nd runner-up (₱15,000). Ang ibang teams ay nakatanggap ng ₱7,000 consolation prize.
Bukod sa mga paligsahan sa Street Dance, kabilang din sa mga sinalihan ng iba’t ibang departamento ng PGC ang Local Cuisine at Booth Decor competitions, na lalong nagpatibay sa ugnayan at samahan ng bawat isa. Ang matagumpay na pagdiriwang ng PGC Family Day ay patunay ng buhay na kultura ng pagkakaisa, malasakit, at dedikasyon sa ilalim ng iisang adhikain para sa isang mas maunlad at nagkakaisang Cagayan.
Source: Cagayan Provincial Information Office




