Isang portable water filtration system ang inilunsad at ipinagkaloob ng Planet Water Foundation sa Barangay Poro Evacuation Center sa Brgy. Poro, San Fernando City, La UNion noong Agosto 5, 2025. Ang teknolohiyang ito ay magbibigay ng malinis na inuming tubig sa mga apektadong komunidad, partikular na sa mga panahon ng kalamidad.
Ang seremonya ng pag-turnover ay pinangunahan nina Mr. Dario Operario, Program Manager, at Mr. Reuben Suarez ng Planet Water Foundation. Dumaan din sila sa isang courtesy call kay Mayor Hermenegildo A. Gualberto ng Lungsod ng San Fernando.

Ayon sa mga kinatawan ng Planet Water Foundation, ang portable water filtration system ay bahagi ng kanilang pagtugon sa mga epekto ng Bagyong Emong at makakatulong upang mapalakas ang kahandaan ng lungsod sa mga susunod pang kalamidad. Ang nasabing teknolohiya ay ipapasa sa City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) upang magamit sa mga darating na taon.
Ang Planet Water Foundation ay patuloy na nag-aalok ng makabagong solusyon sa pagkuha ng malinis na inuming tubig, hindi lamang sa mga naapektuhang komunidad ng kalamidad, kundi pati na rin sa mga lugar na kulang sa access sa malinis na tubig.
Lubos na nagpapasalamat ang Lungsod ng San Fernando sa Planet Water Foundation sa kanilang walang sawang suporta at makabagong teknolohiya na makikinabang ang mga mamamayan sa hinaharap.
Source: City Government of San Fernando, La Union FB Page




