18.3 C
Baguio City
Thursday, June 25, 2026
spot_img

“Pamilya sa Bagong Pilipinas” Hub, pormal nang binuksan sa Batanes

Isang makasaysayang hakbang para sa mas inklusibo, makatao, at sistematikong serbisyong panlipunan ang isinakatuparan ng Department of Social Welfare and Development Field Office II (DSWD FO2) sa pormal na pagbubukas ng “Pamilya sa Bagong Pilipinas” Hub noong ika-16 ng Hunyo 2025.

Ang bagong hub ay nagsisilbing multi-service center na nakatuon sa masusing pagrerehistro at profiling ng mga benepisyaryo sa ilalim ng Pamilya sa Bagong Pilipinas Registry. Sa pamamagitan ng sentrong ito, mas matutukoy ang tunay na kalagayan ng mga pamilya upang maibigay ang tamang mga serbisyo at interbensyon na tugma sa kanilang pangangailangan.

Bilang panimula ng programa, limang pilot beneficiaries ang isinailalim sa profiling. Sila ang kauna-unahang pamilya sa Batanes na makikinabang sa inisyatibang ito, at magsisilbing modelo sa pagpapatupad ng mga layunin ng programa sa buong lalawigan.

Pagkatapos ng pagsusuri, bawat pamilyang rehistrado ay tatanggap ng Family Welfare Card – isang mahalagang dokumento na magsisilbing patunay ng kanilang pagsali sa programa at magiging susi upang makuha ang iba’t ibang serbisyo at tulong mula sa pamahalaan.

Pinangunahan ang makabuluhang aktibidad nina DSWD Undersecretary Edu Punay, Ivana Mayor Celso Batallones, DSWD FO2 Regional Director Lucia Suyu Alan, Assistant Director ng Social Technology Bureau Marilyn Moral, at Provincial Social Welfare and Development Officer Carol Hubalde, kasama ang iba pang opisyal mula sa DSWD at lokal na pamahalaan.

Ang pagbubukas ng hub ay patunay ng patuloy na pagsisikap ng pamahalaan na mapalapit ang serbisyo sa bawat Pilipino, lalo na sa mga liblib at malalayong lugar gaya ng Batanes.

Sa “Pamilya sa Bagong Pilipinas,” walang pamilyang maiiwan.

Related Articles

Be updated in Social Media

1,700FansLike
21FollowersFollow
25,900FollowersFollow
612FollowersFollow
54SubscribersSubscribe
- Advertisement -spot_img

Latest Articles