Inilunsad ng Office of the Provincial Agriculturist (OPA) ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan ang pagsasanay ng bagong gabay sa pagtatanim ng mais na Farmers Field School Season-Long Training on Integrated Crop Management–Corn Based Farming System (ICM-CBFS) sa mga magsasaka ng barangay Marracuru, Enrile, Cagayan noong ika-3 Disyembre 2025.
Ayon kay Engr. Arsenio Antonio, Acting Provincial Agriculturist, ang pagsasanay ay dinaluhan ng 80 magsasaka kung saan ay naibahagi sa kanila ang mga bagong kaalaman at gabay sa pagtatanim ng mais.
Layon aniya nito na maipakilala ang Integrated Crop Management (ICM) bilang gabay sa mas epektibong pangangalaga sa pagtatanim ng mais at makabuo ng isang mas matatag, mahusay, at produktibong komunidad ng corn farmers sa lalawigan.
Paliwanag pa ni Engr. Antonio, na sa pamamagitan ng FFS-ICM-CBFS, maihahanda ang mga magsasaka para sa season-long training sa tamang teknolohiya mula land preparation hanggang post-harvest, mapalakas ang kakayahan ng magsasaka sa pagdedesisyon batay sa praktikal na obserbasyon at karanasan sa sakahan; at mapataas ang ani at kita sa pamamagitan ng angkop at tamang pagtatanim ng mais.
Ang inisyatibong ito ay alinsunod sa adhikain ni Gobernador Edgar “Manong Egay” Aglipay na patuloy na palakasin ang sektor ng agrikultura sa Cagayan, partikular ang industriya ng mais. Naniniwala ang gobernador na ang paggamit ng makabagong paraan at teknolohiya sa pagtatanim ay susi upang maging mas matatag, mas episyente, at mas produktibo ang mga magsasakang Cagayano.
Samantala, katuwang sa aktibidad ang Municipal Local Government Unit ng Enrile sa pamamagitan ng Municipal Agriculture Office (MAO), at Punong Barangay Hilario T. Mabborang na nagpaabot ng kanyang mensahe at suporta para sa mga magsasaka.
📷OPA




