Patuloy ang malawakang recovery efforts ng national government agencies at mga municipal local government units matapos ang matinding pinsalang iniwan ng Super Typhoon “Uwan” sa lalawigan ng Nueva Viscaya.
Sa 15 bayan ng probinsiya, nananatiling hindi madaanan ang karamihan ng mga barangay sa Kasibu, Quezon, Kayapa, at Alfonso Castañeda dahil sa magkakasunod na landslide. Dahil dito, nagsasagawa ng ‘bayanihan’ ang mga residente upang malinis ang mga kalsada at iba pang pampublikong mga pasilidad. Apektado rin ang maraming tulay at iba pang imprastraktura sa buong lalawigan.

Nagsimula noong Nobyembre 14, 2025 ang pag-airlift ng 2,000 food packs sakay ng Blackhawk helicopters mula Bagabag Airport patungo sa mga isolated barangay ng Cawayan, Lipuga, at Pelaway sa Alfonso Castañeda. Ang operasyon ay isinulong ni Governor Jose Gambito sa tulong ng Department of National Defense at Office of Civil Defense, na personal ding pinangasiwaan ni Regional Director Leon Rafael.
Pinuri ni RD Rafael ang koordinadong pagtugon ng gobyerno at pribadong sektor, at tiniyak na magpapadala ang OCD ng karagdagang tulong para sa Nueva Vizcaya, bilang isa sa pinakamalubhang tinamaan sa Cagayan Valley. Kasabay nito, nangako rin ang DSWD Central Office ng 5,000 food packs upang madagdagan ang ayuda ng probinsiya.
Ayon kay DSWD Nueva Vizcaya Team Leader Fernando Bainto, umabot na sa 9,280 pamilya o 29,701 indibidwal ang apektado ng bagyo, at nasa 11,837 bahay ang totally at partially damaged. Apat na katao, kabilang ang tatlong bata, ang nasawi dahil sa landslide sa Kayapa, Quezon, at Kasibu. Naipagkaloob na ang cash assistance sa pamilyang biktima, at inaasikaso na rin ng mga MDRRMO ang karagdagang tulong.
Samantala, nasa 25% pa lang ang power restoration sa buong probinsiya dahil sa pinsala sa mga linya ng NUEVELCO. Hindi pa rin naibabalik ang kuryente sa Ambaguio, Diadi, Dupax del Sur, Dupax del Norte, Kasibu, Kayapa, at Quezon. May partial restoration naman sa Alfonso Castañeda, Bambang, Dupax del Norte, Sta. Fe, Solano, at Villaverde. Naiulat din ang total road collapse sa Malico–San Nicolas road na nagresulta sa pagsasara ng alternatibong ruta.
Ayon sa initial assessment ng PDRRMO, umabot na sa Php250 Milyon ang pinsala sa agrikultura, Php53.7 milyon sa imprastraktura, at Php3.8 milyon sa livestock sa buong probinsiya.
Nagpapatuloy pa rin ang isinasagawang pagsisikap ng mga NGOs at LGUs upang tuluyang mapanumbalik sa normal na pamumuhay ang mga residenteng lubhang naapektuhan ng kalamidad.
Source: PIA NUEVA VIZCAYA




