17.7 C
Baguio City
Wednesday, July 1, 2026
spot_img

LGU Mangaldan, pinasigla ang Cooperative Month sa ‘Ka-Coop, Game Ka Na Ba?

Matagumpay na winakasan ng Pamahalaang Lokal ng Mangaldan, sa pangunguna ni Mayor Bona Fe De Vera Parayno, ang pagdiriwang ng Cooperative Month sa pamamagitan ng isang online trivia game na pinamagatang “Ka-Coop, Game Ka Na Ba?”, na inorganisa ng Municipal Cooperatives Office sa pamumuno ni Dr. Rosallie Hulipas, nitong Lunes, Oktubre 27, 2025.

Sa nasabing palaro, sinubok ang talino at kaalaman ng mga empleyado ng LGU na kasapi ng mga kooperatiba hinggil sa mga prinsipyo, gawi, at pagpapahalagang isinusulong ng mga ito. Labinlimang kalahok ang nagwagi at bawat isa ay nakatanggap ng 5-kilogram na sako ng bigas mula sa sponsor na La Union Multi-Purpose Cooperative (LUMPC), sa pangunguna ni Emma Menor, Officer-in-Charge ng LUMPC Mangaldan Branch. Personal na ipinagkaloob ang mga premyo nina Menor at Dr. Hulipas sa mga nanalo sa ika-3 palapag ng Municipal Hall.

Bukod sa bigas, nakatanggap din ng dagdag na tapa pack ang grand winner, bilang espesyal na handog mula kay Dr. Hulipas. Hinihikayat naman ni Menor ang mga empleyado ng LGU na maging kasapi at mamuhunan sa kanilang kooperatiba na matatagpuan sa Grand Pavilion 1 malapit sa Mangaldan Public Market.

Nagpahayag naman ng pasasalamat si Dr. Hulipas, sa ngalan ni Mayor Bona, sa LUMPC sa kanilang suporta at tulong bilang sponsor ng mga premyo ngayong taon, at umaasang magpapatuloy ang ganitong uri ng kolaborasyon sa mga susunod na taon.

Ang ganitong mga aktibidad ay hindi lamang nagbibigay kasiyahan, kundi nagtataguyod din ng diwa ng pagkakaisa at pagtutulungan—mga haliging bumubuo sa matagumpay na kooperatiba.

Source: Public Information Office – Mangaldan, Pangasinan
Panulat ni: TS Carina

Related Articles

Be updated in Social Media

1,700FansLike
21FollowersFollow
25,900FollowersFollow
612FollowersFollow
54SubscribersSubscribe
- Advertisement -spot_img

Latest Articles