Patuloy ang masiglang operasyon ng KADIWA ng Pangulo sa Tuguegarao City, Cagayan noong ika-30 ng Mayo 2025.
Layunin ng programang ito na maihatid sa publiko ang mga sariwa, dekalidad, at abot-kayang produkto mula sa mga lokal na magsasaka at kooperatiba.
Pinangunahan ng City Agriculture Office ang aktibidad bilang tugon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na palakasin ang suporta sa mga lokal na prodyuser habang tinutugunan ang isyu ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.


Simula pa kahapon, dagsa na ang mga residente upang mamili ng mga gulay, prutas, bigas, karne, itlog, at iba pang mahahalagang produkto sa presyong mas mababa kumpara sa karaniwang pamilihan. Bukas ito mula 8:00 ng umaga hanggang 12:00 ng tanghali, at ngayong araw na rin ang huling pagkakataon upang makibahagi sa inisyatibang ito.
Ang KADIWA ng Pangulo ay isang konkretong hakbang ng pamahalaan tungo sa mas inklusibo at abot-kayang merkado para sa bawat Pilipino, habang pinapalakas ang kabuhayan ng ating mga lokal na magsasaka.
Source: TCIO




