Labis ang tuwa’t galak ang nararamdaman ng isang iskolar ng 1504th Maneuver Company ng Regional Mobile Force Battalion 15, matapos magmartsa sa kanyang pagtatapos bilang graduate ng kursong Criminology sa Data Center College of the Philippines-Bangued, Abra nito lamang Mayo 30, 2025.
Si Omega Jay Palangdao, ay nakapagtapos sa tulong ng “Alay na Dunong at Edukasyon ni Kuya” (ADEK), isang scholarship program ng 1504th MC, RMFB 15 na tumutulong sa mga estudyanteng kapos sa gastusin pero nagsusumikap makapag-aral.
Ang ADEK ay isa sa mga best practices ng nasabing unit kung saan boluntaryong nag-aambagan ang mga nakatalagang Pulis ng 1504th MC, RMFB15 upang matustusan ang pangangailangan ng kanilang mga iskolar kabilang ang nagtapos na si Omega.
Samantala, labis ang pasasalamat ni Omega sa taos-pusong pagbati ng 1504th MC, RMFB15 maging sa ADEK scholarship program ng unit na nagbigay katuparan sa kanyang minimithing pangarap na makapagtapos ng pag-aaral.
Ang pagtatapos ni Omega ay patunay sa isang makabuluhang yugto—hindi lamang sa kanyang personal na buhay kundi pati na rin sa misyon ng ADEK Program, na patuloy na nagbibigay inspirasyon at katuparan sa mga pangarap ng mga estudyanteng kapos sa pinansyal.
Ang kanyang kwento ay nagsisilbing inspirasyon sa iba pang mga kabataang Pilipino na nangangarap at nagtataguyod laban sa lahat ng pagsubok.






