Hinikayat ni Ilocos Norte Governor Cecilia Araneta Marcos ang mga Ilocano sa ibang bansa na bumalik sa lalawigan, hindi lamang upang magbakasyon kundi upang mamuhunan at magbahagi ng kanilang kaalaman at kasanayan para sa kaunlaran ng probinsya nito lamang ika-9 ng Hulyo, 2025.
Ayon sa gobernador, patuloy na pinagsusumikapan ng pamahalaang panlalawigan na mapigilan ang tinatawag na “brain drain” o pag-alis ng mga propesyonal at mahuhusay na manggagawa papuntang ibang bansa. Bahagi ng solusyong tinutulak ng lokal na pamahalaan ang paglikha ng mas maraming oportunidad sa trabaho at negosyo sa probinsya.
Sa isang hapunan na inihandog ng pamahalaang panlalawigan noong Hulyo 8, iniulat ni Marcos na marami nang positibong pagbabago sa Ilocos Norte, kaya’t ito ay isang angkop na lugar para sa pagreretiro, pamumuhunan, at pagbabalik-serbisyo sa komunidad.
Ang VIP Tour, dating tinatawag na Ambassador’s Tour, ay pangunahing programa ng mga Foreign Service Posts ng Pilipinas sa Estados Unidos, sa pangunguna ng Embahada ng Pilipinas sa Washington D.C.
Mula Hulyo 6 hanggang 15, bibisita ang mga kalahok sa Maynila, Laoag sa Ilocos Norte, Vigan sa Ilocos Sur, at Puerto Princesa sa Palawan. Sa Ilocos Norte, kabilang sa kanilang itineraryo ang Malacañang of the North, St. Augustine Church sa Paoay, Santa Monica Church sa Sarrat, at Bantay Church and Tower sa Vigan.
Kasama rin sa kanilang karanasan ang pottery at loom weaving, at ang pagtikim ng mga tradisyunal na pagkain gaya ng empanada, tupig, bagnet, pinakbet, at longganisa.
Sa kauna-unahang pagkakataon, tampok ngayong taon ang “VIP Next Gen Tour” para sa mga kabataang kalahok na naghahanap ng mas aktibong paglalakbay.
Ayon sa Philippine Consulate General sa Honolulu, layunin ng programa na magsilbing tulay sa pagitan ng mga Pilipino at mga kaibigan ng Pilipinas mula sa iba’t ibang panig ng mundo upang muling maipakilala ang kagandahan ng bansa.




