Bilang bahagi ng patuloy na pagtugon sa pangangailangan ng mga apektadong residente, muling nakapaghatid ang Department of Social Welfare and Development Field Office 1 (DSWD FO 1) ng karagdagang 5,100 Family Food Packs (FFPs) sa lokal na pamahalaan ng San Fabian, Pangasinan ngayong Hulyo 29, 2025.
Sa kabuuan, umabot na sa 81,078 FFPs ang naipamahagi ng DSWD FO 1 sa buong lalawigan ng Pangasinan. Ang naturang tulong ay bahagi ng mas pinaigting na relief operations ng ahensya para sa mga lugar na patuloy na nakararanas ng pagbaha dulot ng mga pag-ulan at pag-apaw ng mga ilog.
Upang matiyak ang kaligtasan at kalidad ng mga food packs, isinagawa ang quality control inspection sa tulong ng mga kawani ng DSWD FO 1 kasama ang ilang kinatawan mula sa LGU ng San Fabian. Layunin nito na masiguro na ligtas kainin at sapat ang laman ng bawat food pack para sa mga pamilyang makatatanggap.
Target ng DSWD at ng LGU San Fabian na agad maipamahagi ang mga FFPs sa iba’t ibang barangay ng bayan sa lalong madaling panahon, lalo na sa mga lugar na lubhang naapektuhan ng kalamidad.
Nagpapatuloy pa rin ang koordinasyon ng DSWD FO 1 sa iba pang lokal na pamahalaan sa Pangasinan upang matugunan ang mga natitirang pangangailangan ng mga residenteng nasalanta.
Source: DSWD Field Office 1




