Isinagawa ng Cagayan Valley Center for Health Development–DOH, katuwang ang Tuguegarao City Health Office, ang libreng Voluntary HIV Screening at Tuberculosis (TB) Screening sa Tuguegarao City Hall Lobby ngayong Biyernes, Agosto 29, 2025.
Layunin ng aktibidad na gawing normal at walang stigma ang HIV testing upang masiguro na parehong mga empleyado ng City Hall at mga bumibisita rito ay may access sa kumpidensyal at boluntaryong screening services. Bahagi rin nito ang pagbibigay-diin sa kahalagahan ng maagang pagtuklas, tamang pag-iwas, at maagap na pagpapagamot.

Katuwang sa naturang programa ang Philippine Tuberculosis Society Inc., Sustained Health Initiatives of the Philippines, The Northern Lights Organization, at mga student volunteers mula sa University of Cagayan Valley (UCV) at St. Paul University Philippines (SPUP).
Sa pamamagitan ng ganitong mga inisyatiba, patuloy na pinapalakas ng DOH at lokal na pamahalaan ng Tuguegarao ang kampanya laban sa HIV at TB, bilang suporta sa pambansang adbokasiya na nagsusulong ng regular screening bilang mahalagang hakbang tungo sa mas malusog na pamayanan.
Source: Tuguegarao City Information Office




