Itinalaga ng Professional Regulation Commission (PRC) ang Bayombong, Nueva Vizcaya bilang isa sa mga opisyal na testing center para sa Criminology Licensure Examination na gaganapin sa Pebrero 2026, ayon kay PRC Cagayan Valley Regional Director John D. Alilam.
Ayon kay Dir. Alilam, naisakatuparan ang naturang pagtatalaga sa pamamagitan ng inisyatiba ni Gobernador Atty. Jose “Jing” V. Gambito at ng matibay na ugnayan sa pagitan ng pamahalaang panlalawigan at ng PRC. Dagdag niya, kasunod ng matagumpay na pagho-host ng lalawigan sa Licensure Examination for Professional Teachers (LEPT), kinilala ang Nueva Vizcaya bilang isa sa mga pangunahing pinanggagalingan ng mga kukuha ng criminology board exam, kaya’t napiling testing site ang Bayombong.
Binanggit din ni Alilam na matagal nang nagsisilbing testing centers sa Rehiyon Dos ang Tuguegarao City sa Cagayan at Cauayan City sa Isabela. Aniya, ang pagsama ng Nueva Vizcaya bilang testing center ay patunay ng patuloy na pagpapalawak ng PRC sa mga lugar ng pagsusulit upang mas mapalapit ang serbisyo sa mga examinee.
Nagpasalamat naman si Gobernador Gambito sa PRC sa pag-apruba, na kanyang inilarawan bilang malaking ginhawa hindi lamang sa mga kukuha ng pagsusulit kundi pati sa kanilang mga pamilya. Aniya, mababawasan ang gastusin sa biyahe at matutuluyan, kaya mas magiging maginhawa at abot-kaya ang pagkuha ng licensure exam.
Dagdag pa ng gobernador, ang naturang hakbang ay konkretong patunay ng pagsisikap ng pamahalaang panlalawigan na palawakin ang access ng kabataan sa mga propesyonal na oportunidad. Maaari namang magsumite ng aplikasyon ang mga kukuha ng Criminology Licensure Examination sa PRC offsite center na matatagpuan sa Nightingale Hall, Provincial Capitol, Bayombong—isang pasilidad na naitatag sa pamamagitan ng adbokasiya ng pamahalaang panlalawigan upang mas mailapit sa mga Novo Vizcayano ang mga serbisyo ng PRC.
Source: Information Bureau NV




