Narekober ng pinagsanib na puwersa ng kapulisan at militar ang mga war materials ng Communist Terrorist Group (CTG) sa isinagawang Major Combat Operation sa isang liblib na lugar sa Barangay Dadda, Amulung, Cagayan, partikular sa may Pinicun Falls, dakong 9:00 ng umaga nitong Disyembre 13, 2025.
Sa kasagsagan ng operasyon, isang dating CTG surrenderee na kinilalang si aka Gustin ang nagbigay ng mahalagang impormasyon hinggil sa kinaroroonan ng isang armed cache ng CTG na nakatago sa isang masukal na bahagi ng kagubatan.
Agad na tinungo ng operating troops ang tinukoy na lugar hanggang sa napatunayang tama ang impormasyon at matagumpay na narekober ang mga war materials na nakalagay sa isang plastic container na binalot ng sako.
Kabilang sa mga nakumpiskang kagamitan ang 3 bala ng Rifle Grenade M79B na may canister; 2 Hand Grenade MK2; 4 na 40mm HEDP ammunition; 24 na bala ng 7.62mm; 6 na bala ng 5.56mm; 29 na bala ng caliber .45; 12 na bala ng caliber .38; 7 short magazine para sa 5.56mm; 3 magazine para sa carbine; 3 ammo clip para sa M1 Garand; 1 baril na caliber .38; 1 holster; 1 lalagyan ng biskwit; at mga subersibong dokumento.
Ang mga narekober na pampasabog ay kasalukuyang nasa kustodiya ng Cagayan Police Explosive Ordnance Disposal and Canine Unit (PECU) habang ang mga non-explosive items ay nasa pangangalaga ng 1st CPMFC para sa wastong dokumentasyon at karagdagang imbestigasyon.
Ang operasyon ay isinagawa sa pangunguna ng 3rd Mobile Force Platoon, 1st Cagayan Provincial Mobile Force Company sa ilalim ng pamumuno ni PMAJ ABDEL AZIZ D MAXIMO, Acting Force Commander, katuwang ang Amulung Police Station, PECU Cagayan, PIT Cagayan South-RIU2, PIU, Cagayan Police Provincial Office, gayundin ang mga yunit ng 17th Infantry Battalion, Philippine Army, 112th SAC, at 11SAB.
Patuloy na nananawagan ang Cagayan Police Provincial Office sa publiko na makipagtulungan sa mga awtoridad sa pamamagitan ng pagbibigay ng impormasyon upang tuluyang mapigil ang mga banta sa kapayapaan at seguridad ng lalawigan.




