Isang masiglang araw para sa maraming Cagayano matapos muling pangunahan ni Gobernador Edgar “Manong Egay” Aglipay ang pamamahagi ng pondo sa ilalim ng programang No Barangay Left Behind (NBLB) noong ika-8 ng Disyembre 2025.
Layunin ng programang ito na masiguro na walang barangay ang mapag-iiwanan at lahat ay mabibigyan ng sapat na suporta mula sa pamahalaang panlalawigan.
Sa isinagawang aktibidad, personal na iniabot ng gobernador ang tulong sa mga benepisyaryo mula sa iba’t ibang bayan. Tampok dito ang mga bayan ng Solana (814 recipients), Enrile (581), Lasam (702) at Allacapan (660). Kabilang sa mga naturang benepisyaryo ay ang tinatawag na barangay frontliners ang mga Barangay Tanod na tumanggap ng tig-₱1,000; Barangay Nutrition Scholars at Barangay Health Workers na tumanggap ng tig-₱2,000; at ₱3,500 naman para sa Daycare Workers.
Hindi rin nakaligtaan ng Provincial Government of Cagayan ang ibang sektor ng lipunan. Namahagi rin sila ng tig-₱3,000 para sa mga Solo Parents at Persons With Disabilities (PWDs) bilang dagdag na suporta sa kanilang pang araw-araw na pangangailangan.

Sa kanyang mensahe, muling tiniyak ni Gov. Aglipay ang patuloy na pagtutok ng pamahalaang panlalawigan sa mga programang tunay na nakapagpapabuti sa buhay ng mga Cagayano. Nanawagan din siya ng pagkakaisa at pagtutulungan upang mas maging mabilis at epektibo ang pagbibigay ng serbisyo publiko.
“Nandito na si Manong Egay niyo at ako’y naninikluhod na kalimutan na natin kung anuman ang away natin para sa karamihang Cagayano. Dahil kung hindi tayo magkakaisa, hindi gaganda ang buhay natin lalo na ang mga mahihirap na Cagayano,” ani Gobernador Aglipay.
Inaasahan na sa mga susunod na araw ay ipagpapatuloy ang distribusyon ng honoraria at tulong pinansiyal sa iba pang bayan sa buong lalawigan isang patunay na tunay na walang barangay ang maiiwan sa ilalim ng programang NBLB.
Isang Cagayan na mas maunlad, mas nagkakaisa, at mas inaalagaan, ito ang layunin ng programang patuloy na isinusulong ng pamahalaang panlalawigan.
Source: CPIO




