Muling kinilala at pinarangalan ang kahusayan ng mga magsasaka at mangingisda sa Lalawigan ng Cagayan matapos magwagi ang maraming indibidwal at organisasyon sa Gawad Saka 2025 na isinagawa ng Office of the Provincial Agriculturist (OPA) ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan noong ika-5 ng Disyembre 2025, sa Training Center ng Cagayan Farm School and Agri-tourism Center sa Anquiray, Amulung, Cagayan.
Pinarangalan ang mga natatanging Cagayano sa iba’t ibang kategorya, kabilang dito ang crops, livestock, fisheries, rural improvement club, cooperatives, associations, agricultural research, extension services, at rural financial institutions.
Tumanggap ang mga awardee ng tropeo, sertipiko, at cash prize bilang pagkilala sa kanilang husay at ambag sa sektor ng agrikultura.
Sa mensahe ni Provincial Administrator Atty. Rosario Mamba-Villaflor, na kumatawan kay Gobernador Edgar “Manong Egay” Aglipay, binigyang-diin niya ang mga nakalaang programa ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan para mapaunlad ang agrikultura bilang isa sa pangunahing pagkabuhayan sa lalawigan.
Kabilang dito ang pagtatayo ng malalaking processing centers para sa mga produkto ng magsasaka at mangingisda sa lalawigan.
Ang Gawad Saka ay isa sa pinakamataas na pagkilalang ibinibigay ng OPA katuwang ang mga lokal na pamahalaan upang parangalan ang mga natatanging magsasaka, mangingisda, at organisasyong may mahalagang kontribusyon sa pagpapatatag ng food security sa lalawigan.
Source: Cagayan PIO FB page




