Matagumpay na naisagawa ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan, katuwang ang United Nations Development Programme (UNDP) sa ilalim ng Strengthening Institutions and Empowering Localities Against Disasters and Climate Change in the Philippines (SHIELD) Program, ang dalawang araw na Integrated Capacity Assessment, Multi-stakeholder Partnership Profiling and Mapping, and Joint Programming Workshop.
Sinimulan kahapon, Disyembre 03, 2025 ang dalawang araw na aktibidad na nagtapos ngayong Huwebes na ginanap sa Gasat Hall, Capitol compound Tuguegarao City at dinaluhan ng mga kawani ng PGC at iba’t ibang grupo at ahensiya ng gobyerno.
Ayon kay Jacqueline Miel-Soliquin, SHIELD Programme Manager, layon ng pagsasanay na palakasin ang kakayahan ng lalawigan sa pagtugon sa mga hamon ng pabago-bagong panahon at mga sakunang patuloy na nararanasan sa Cagayan.

Kabilang sa mga pangunahing layunin ng grupo ang masusing pagsusuri sa kapasidad ng probinsiya at pagbuo ng mga plano upang mabawasan ang panganib na dulot ng kalamidad at mapabilis ang pagtugon sa apektadong mga komunidad.
Sa isinagawang workshop, ibinahagi ng mga kalahok ang mga naranasang kalamidad sa Cagayan pati na rin ang mga hakbang ng PGC upang tugunan ang pangangailangan ng mga mamamayan tuwing may sakuna.
Ang mga napag-usapan at naprosesong datos sa aktibidad ay magsisilbing batayan sa pagbuo ng resilience roadmap ng Cagayan na layong mapalakas ang lokal na institusyon, mapabuti ang akses sa climate financing, at mabawasan ang panganib na dulot ng mga kalamidad sa lalawigan.
Source: Cagayan PIO




