Patuloy ang misyon ng pamahalaan na maihatid ang tulong sa mga liblib at baybaying lugar, matagumpay na nakapaghatid ang Philippine Air Force Tactical Operations Group 2 ng mga Family Food Packs mula sa DSWD Field Office 02 sa Palanan, Isabela nito lamang ika-18 ng November 2025.
Gamit ang Black Hawk helicopter ng PAF, umabot na sa 506 food packs ang naihatid sa bayan mula sa kabuuang 1,006 FFPs na inilaan ng DSWD bilang dagdag na suporta para sa mga pamilyang naapektuhan ng Bagyong Uwan.
Bahagi ang airlift operation na ito ng pinalawak na disaster response ng pamahalaan upang matiyak na kahit ang mga nasa malalayong lugar ay agad na makatatanggap ng pagkain at iba pang pangunahing pangangailangan ngayong panahon ng krisis.
Samantala, nagtulong-tulong naman ang mga kawani ng DSWD, Philippine Army, Bureau of Fire Protection, PAF at lokal na pamahalaan ng Palanan sa maayos na pagbaba ng mga food packs. Inaasahan na sa mga susunod na araw ay matatapos ang pagdadala ng natitirang FFPs upang makumpleto ang nakatakdang ayuda para sa lugar.
Source DSWD REGION II




