Higit pa sa pagbibigay ng tulong pampuhunan, patuloy na pinatitibay ng Department of Social Welfare and Development Field Office 1 – Ilocos Region (DSWD FO 1) sa pamamagitan ng Sustainable Livelihood Program (SLP) ang kakayahan at kasanayan ng mga benepisyaryo nito. Sa buwan ng Oktubre, apat na magkakahiwalay na capacity building activities ang matagumpay na isinagawa para sa mga SLP program participants mula sa iba’t ibang bayan ng Pangasinan.
Isa sa mga tampok na aktibidad ay ang Hydroponics: Herbs and Fruit-bearing Vegetables and Basic Chips Making Training na dinaluhan ng pitong SLP Associations (SLPAs) sa bayan ng Manaoag. Sa pamamagitan nito, natutunan ng mga kalahok ang makabagong paraan ng pagtatanim at paggawa ng produktong pagkain na maaring mapagkunan ng karagdagang kita.

Kasabay nito, sa pakikipagtulungan ng Department of Trade and Industry (DTI), isinagawa rin ang Product Packaging and Labeling Training para sa mga SLPAs mula sa Tayug, Rosales, at Natividad. Layunin ng pagsasanay na ito na mapaunlad ang kalidad ng mga produkto ng mga asosasyon upang higit na mapataas ang kanilang marketability at makasabay sa kumpetisyon sa merkado.
Bukod dito, nakapagtapos din ng Vegetable Production Training ang pitong SLPAs mula sa bayan ng Mangaldan sa tulong ng Jopat Integrated Farm. Sa pamamagitan ng pagsasanay na ito, mas napalawak ang kaalaman ng mga kalahok sa wastong pamamaraan ng pagtatanim, pag-aalaga, at pag-aani ng gulay na maaaring magsilbing tuloy-tuloy na kabuhayan para sa kanilang komunidad.


Samantala, 14 na miyembro ng Sulong Alpa SLPA mula sa Barangay Awai, San Jacinto ang sumailalim naman sa Breadmaking Training. Bahagi rin ito ng kanilang benchmarking activity sa YGV of Laoac SLPA, na nagsilbing inspirasyon at patunay na ang mga matagumpay na grupo ng SLP ay handang magbahagi ng kaalaman at tumulong sa iba pang asosasyon upang mapalago pa ang kanilang kabuhayan.
Sa pamamagitan ng mga ganitong aktibidad, pinatutunayan ng DSWD FO 1 – SLP na ang tunay na layunin ng programa ay hindi lamang magbigay ng puhunan, kundi palakasin ang kakayahan ng bawat kalahok upang makamit ang pangmatagalang pag-unlad at mas matatag na kabuhayan para sa kanilang pamilya at komunidad.
Source: DSWD Field Office 1




