Pinangunahan ni Mayor Bona Fe De Vera Parayno ang pamamahagi ng 1,500 bags ng Hybrid Rice Seeds mula sa Department of Agriculture – Regional Field Office 1 (DA-RFO 1) sa mga magsasaka sa Mangaldan, Pangasinan nitong Oktubre 14, 2025, bilang bahagi ng Hybrid Rice Seeds Intervention Program ng kagawaran.
Ang aktibidad ay isinagawa sa tulong ng Municipal Agriculture Office (MAO) upang suportahan ang mga magsasaka sa nalalapit na dry cropping season ng 2025. Layunin ng programa na mapataas ang produksyon ng bigas, mapabuti ang kalidad ng ani, at mapalago ang kita ng mga benepisyaryo.

Sa naturang distribusyon, ipinakita ni Mayor Bona ang kanyang patuloy na suporta at malasakit sa mga magsasaka bilang pangunahing katuwang ng lokal na pamahalaan sa pagpapaunlad ng agrikultura. Ipinahayag din niya ang layuning muling buhayin ang sigla at kasiyahan sa bawat pag-aani sa bayan ng Mangaldan.
Samantala, ipinaliwanag ni Agricultural Technologist Manuel S. Aquinong ang kahalagahan ng paggamit ng hybrid rice seeds na nagbibigay ng mas mataas na ani at mas matatag na pananim laban sa peste at sakit.
Ang proyektong ito ay patunay ng patuloy na pagtutulungan ng DA-RFO 1, MAO, at LGU Mangaldan tungo sa mas masaganang ani at mas matatag na kabuhayan para sa mga magsasaka ng bayan.




