Ipinag-utos ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon ang agarang pagtatayo ng detour bridge sa bahagi ng Piggatan, Alcala, Cagayan, kasunod ng pagbagsak ng tulay kamakailan. Ang direktiba ay inilabas ng kalihim matapos niyang personal na bisitahin ang lugar noong ika-8 ng Oktubre 2025, upang magsagawa ng imbestigasyon at matukoy ang mga kinakailangang hakbang para sa mabilis na solusyon.
Ayon kay Sec. Dizon, inatasan na niya ang DPWH Region 2 na tiyaking maitatayo ang detour bridge sa loob ng dalawang buwan upang maibsan ang hirap ng mga motorista at residente na apektado ng matinding abala sa transportasyon. “Kailangan tayong magsimula na magtayo ng detour bridge. Kausap ko na si RD dito at i-aannounce ko na sa media para kinocommit na niya sa inyong lahat within two months, or hopefully even less, nakatayo na iyong detour bridge natin dito,” pahayag ni Dizon.

Kasabay nito, nakipagpulong din ang kalihim kina Cagayan Governor Edgar “Manong Egay” Aglipay, Alcala Mayor Tin Antonio, at DPWH Regional Director Mathias Malenab upang talakayin ang mga polisiya at hakbang para matiyak ang kaligtasan at katatagan ng limang itinuturing na critical bridges sa lalawigan. Kabilang sa mga napag-usapan ang mahigpit na pagpapatupad ng traffic management at regular na monitoring ng load limits ng mga sasakyang tumatawid sa mga tulay.
Binigyang-diin din ni Dizon ang kahalagahan ng pagkakaroon ng mga alternatibong ruta at mekanismo upang mapabilis ang pagluwas ng mga pangunahing produkto. Aniya, dapat tiyaking hindi maaantala ang paggalaw ng mga essential goods upang maiwasan ang dagdag na gastos sa transportasyon at posibleng kakulangan ng suplay sa merkado.

Samantala, pinuri ng kalihim ang mungkahi ni Governor Aglipay na gamitin ang Port Irene sa Sta. Ana bilang alternatibong daan para sa mabilis na pagluwas ng mga produkto. Tiniyak naman nina Gob. Aglipay at Mayor Antonio ang buong suporta at pakikipagtulungan sa DPWH Region 2 upang mapabilis ang implementasyon ng mga direktibang ibinaba ni Sec. Dizon at maibalik agad ang normal na daloy ng biyahe sa Alcala.
Source: Cagayan Provincial Information Office




