Nagsagawa ng Rapid Damage Assessment and Needs Analysis (RDANA) ang Incident Management Team (IMT) ng Bayan ng Bacnotan sa pangunguna ni Mayor Divine Fontanilla ngayong Setyembre 23, 2025, bilang tugon sa pinsalang idinulot ng Super Typhoon Nando.
Bahagi ng aktibidad ang pamamahagi ng relief goods sa mga pamilyang apektado ng bagyo sa iba’t ibang barangay kabilang ang Tammocalao, Galongen, Nangalisan, Quirino, Mabanengbeng 1, Sta. Rita, Baqui, Bussaoit, Nagsimbaanan, Poblacion, at Baroro.

Bukod sa relief operations, nagsagawa rin ng inspeksyon ang IMT upang masuri ang lawak ng pinsala at agarang matukoy ang mga pangunahing pangangailangan ng mga residente.
Nagpaalala naman ang lokal na pamahalaan sa lahat ng mamamayan na manatiling mapagmatyag at laging handa, lalo na at nakabantay ang panibagong sama ng panahon na si Bagyong Opong.
Samantala, nananatiling bukas ang pagtanggap ng mga donasyon at tulong sa Municipal Evacuation Center. Kabilang sa mga nagpaabot ng suporta ang CIP II Power Corporation.
Source: Bacnotan, La Union




